Ni REGGEE BONOAN
“NU’NG nakakakita ka pa hindi mo ako nakikita, nu’ng nabulag ka saka mo ako nakita.”
Ito ang makahulugang sinabi ni Tonyo (ginagampanan ni Empoy Marquez) kay Lea (Alessandra de Rossi) sa pelikulang Kita Kita.
Very touching ang kuwento ng Kita Kita. Sa unang bahagi ng pelikula, inakala ng mga nakapanood sa celebrity screening sa Trinoma Cinema 7 nitong Martes ng gabi na iniligtas ni Tonyo si Lea na nagkaroon ng temporary blindness dala ng stress sa lahat ng kinasusuungang mga problema.
Nakadagdag sa kagandahan ng pelikula ang location nito sa Sapporo City, Hokkaido, Japan.
Naibalik ni Tonyo ang mga ngiti at saya sa buhay ni Lea nu’ng mga panahong malungkot siya. Pero hindi namin ikukuwento ang buong istorya ng Kita Kita para mag-enjoy din ang mga manonood sa mga detalye. Ang sasabihin lang muna namin ngayon, mapapaluha o mapapaiyak kayo sa ikalawang bahagi ng pelikula dahil point of view naman ni Empoy ang ikukuwento.
A little act of kindness can save a soul, ito ang ipinahihiwatig ni Direk Sigrid Andrea Bernardo sa pelikula na makaka-relate ang lahat kahit na pang-millennials ang approach.
Sakto lang din na sina Alessandra at Empoy ang mga bida dahil kung iba, tiyak na hindi ganoon ka-effective kasi nga nasanay na tayo na kapag love team, dapat guwapo at maganda.
Tama ang sinabi ni Bb. Joyce Bernal, isa sa producers ng Spring Films, lahat ng leading man hindi kinakailangang guwapo. Sa realidad, mas nai-in love ang girls sa mga lalaking may sense of humor.
Tama rin si Direk Sigrid, bagong putahe ito na sana ay tangkilikin ng 7.3 million viewers na nagandahan na agad maging sa trailer pa lang nito sa YouTube (umabot naman sa 64k shares at 43k comments). Hindi na kami nagtataka sa kuwento niya na pinuri ito nang husto sa iba’t ibang film festival sa ibang bansa. Napaka-heartwarming ng pelikula.
Sana’y mapansin din ito sa Cannes Film Festival para hindi na puro tungkol sa krimen, droga, prostitusyon o kahirapan lang ang istoryang napapanood tungkol sa mga Pinoy.
Maganda at malinis ang pagkakalatag ng kuwento, ang gaganda ng mga lugar na kinunan sa Sapporo. Ayon kay Direk Sigrid, utang niya ang magagandang shots sa kanyang cinematographer na si Boy Yniguez.
“Magaling siya (Boy) siya talaga,” kuwento ni Direk, “isa siya sa highest paid sa commercial, veteran cinematographer at minimal lights ito kasi hindi kami masyadong nagdala ng ilaw, konti lang, led lights lang. Kaya mas lalo akong humanga kay Sir Boy kasi wala kami halos ilaw pero nagawan niya ng paraan kasi may mga locations na hindi kami puwedeng magsaksak ng ilaw.”
Nagbukas na sa mga sinehan ang Kita Kita kahapon.
Samantala, literal na celebrity screening ang nangyari sa Kita Kita na dahil sa napakaraming mga artistang dumalo at nanood, kaya ang biro ng aktres, “Wala kasi kaming fans, pero marami kaming friends na artista kaya sila ang in-invite namin.”
Bongga, mga artista ang fans ng love team nina Empoy at Alex.
Naalala namin ang New Frontier noong 90s na kapag sinabing premiere night ay napakaraming sikat na artistang dumadalo. Kahit hindi kasama sa pelikula ay dumarating para suportahan ang kasamahan nila sa industriya.
Dumalo sa Kita Kita celebrity screening sina Angel Locsin kasama ang suitor (boyfriend?) na si Neil Arce, Maymay Entrata, Piolo Pascual (producer), Iñigo Pascual, Maris Racal, Vice Ganda, magpinsang Danica Sotto-Pingris at Ciara Sotto, Ritz Azul, Garrie Concepcion, Xian Lim, Nicco Manalo, Via Antonio, mag-asawang Richard Poon at Maricar Reyes, Mark Oblea, Alex Medina, Julian Trono, Ella Cruz, AJ Muhlach at Phoebe Walker na bida sa Double Barrel, Jairus Aquino, Erik Santos, Angeline Quinto, KZ Tandingan at boyfriend TJ Monterde, Carla Humpries, mag-asawang Yeng Constantino at Victor Asuncion, Meg Imperial, Manuel Chua, Ketchup Eusebio, mag-asawang Nonie at Sharmaine Buencamino, Dennis Padilla, Boy 2 Quizon, malapit nang ikasal na sina Rochelle Pangilinan at Arthur Solinap, Moi Bien, Racquel Villavicencio, Jeff Hidalgo, Direk Jun Robles Lana, at ang rumored boyfriend ni Alessandra na si Marc Abaya.