Ni: Mary Ann Santiago
Magkasunod na pinagbabaril at pinatay ang magkapitbahay, na kapwa drug surrenderer, ng apat na hindi pa nakikilalang lalaki na lulan sa dalawang motorsiklo sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang mga biktima na sina Ricardo Solis, 47, barker, ng No. 96 Caliwag Street at Karim Mangamba, 37, ng No. 4472 Baltazar St., kapwa sa Barangay Pinagbuhatan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Eric Goboy, ng Pasig City Police, naganap ang insidente sa Caliwag St., dakong 6:00 ng gabi.
Naglalakad si Mangamba sa nasabing lugar nang biglang pagbabarilin ng apat na lalaki na sakay sa dalawang motorsiklong walang plaka.
Ayon sa isang saksi, nang makita ng mga suspek na duguang bumulagta si Mangamba ay dumiretso ang mga ito sa isang sari-sari store, na ilang metro lang ang layo mula sa pinangyarihan, at pinagbabaril naman si Solis, na noong oras na iyon ay may binibili sa tindahan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa Pasig Public Market.
Isinugod pa sa ospital ang magkapitbahay ngunit huli na ang lahat.