Ni: Bella Gamotea

Sugatan ang isang apat na taong gulang na lalaki matapos tamaan ng shrapnel mula sa umano’y granadang inihagis ng riding-in-tandem sa Makati City, kahapon ng madaling araw.

Isinugod sa Ospital ng Makati ang biktima dahil sa tinamong sugat sa kanang braso.

Kinikilala na ng awtoridad ang dalawang salarin na sakay sa isang motorsiklong walang plaka.

National

Atty. Kaufman, nagsalita sa umano'y 'request' hinggil sa ID requirements ng EJK victims

Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang pagsabog sa Osmeña Highway, Barangay Pio Del Pilar, dakong 1:00 ng madaling araw.

Ayon sa ina ng biktima, si Vigen, natutulog sila ng kanyang anak sa loob ng kanilang barung-barong nang magising sa malakas na pagsabog at biglang umiyak ang biktima hanggang sa nakitang dumudugo ang braso nito at isinugod sa ospital.

Ilang saksi ang nagsabing may inihagis ang dalawang lalaki sa nakaparadang towing truck at sinundan nang malakas na pagsabog.

Sa lakas ng pagsabog, pumutok ang gulong ng truck, nadamay ang nasa harapan nitong 14-wheeler truck, nagkaroon ng uka sa kalsada at tumagos ang shrapnel sa bahay ng biktima at ito ay tinamaan.

Patuloy ang imbestigasiyon sa pagsabog.