Ni: Clemen Bautista

IPATUTUPAD na ng Department of Health (DoH) sa Hulyo 23 ang smoking ban o pagbabawal sa paninigarilyo sa buong bansa.

Ang pagbabawal ay alinsunod sa Executive Order No. 26 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Dr. Enrique Tayag, tagapagsalita ng DoH, ang hindi susunod sa mga requirement ay malinaw na paglabag na may katapat na parusa. Kailangang sumunod ang publiko at ang mga business establishment sa iniaatas ng Executive Order No. 26, sapagkat may parusa ang mga lalabag.

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: May lakas ka dahil kasama mo si Kristo

Batay sa Executive Order No. 26 ni Pangulong Rodrigo Duterte, bawal ang paninigarilyo sa mga paaralan, pook-libangan ng kabataan, sa mga elevator at hagdan, lugar na fire hazard o madaling magkasunog at sa iba pang lugar na inihahanda ang mga pagkain.

Inaatasan din ng Executive Order No. 26 ang mga business establishment na maglagy ng “No Smoking” sign na may laking walo hanggang sampung pulgada. Iminungkahi rin ni Dr. Tayag na maglagay ang mga business establishment ng karatulang nasusulatan ng “Designated Area” sa mga lugar na maaaring manigarilyo. Kailangang bukas, o kung kuwarto ay may tamang bentilasyon at hiwalay sa ibang kuwarto, ang nasabing lugar.

Ang smoking ban ay ipinatutupad sa Davao City noong mayor pa roon ang Pangulong Rodrigo Duterte. Sinabing naging matagumpay ito sapagkat mahigpit ang ginawang pagpapatupad. Hindi ningas-kugon. May parusa sa mga lumabag sa pagbabawal. Isa umano sa mga naging parusa ay ang ipalulon ang sigarilyo sa mga lumabag. Natakot at nadisiplina ang mahihilig manigarilyo.

Ang paninigarilyo ay isa sa mga bisyo ng marami nating kababayan, lalo na ang kalalakihan at maging kababaihan. Sa paninigarilyo, may iba-ibang paliwanag ang mga nahilig sa nasabing bisyo. May nagsasabing may nararamdaman daw silang sarap at luwalhating hindi maipaliwanag.

Nagsimula ang paninigarilyo sa paisa-isang stick hanggang sa maging dalawa. At nang lumaon, ang isa at dalawang stick ay naging isang kaha na ang konsumo sa isang araw. Sa paghithit ng sigarilyo, ang usok ay nagmumula hindi lamang sa bibig kundi maging sa ilong na parang chimney.

May nagsasabi namang ang paninigarilyo ay nakakaalis ng inip at pagkabagot. Karamihan sa nagsisigariilyo ay mga manunulat, mga manggagawa, magsasaka, mangingisda na nagsasabing ang paninigarilyo ay nakakaalis daw ng ginaw. Ang pagpawi ng paninigarilyo sa ginaw ay nasaksihan ng inyong lingkod sa yumao kong tiyuhin na dating mangingisda sa Laguna de Bay, at sa kanyang mga tauhan sa pamalakaya. Sa pagtungo sa laot ng lawa upang mangisda, isa sa laman ng kanilang salakuban (lalagyan ng damit) ay isang kaha ng sigarilyo. Habang patungo sa laot, sila’y nagsisindi na ng sigarilyo. Matapos mangisda at makakain, nagsisindi rin ng sigarilyo.

Sa ating makabagong panahon, marami sa mga nagtatrabaho sa call center ay nagsisigarilyo. Ang paninigailyo ay sinasabayan ng paghigop ng kape, lalo na kung break o lunch time.

Maging ang mga kababayan natin sa lalawigan, lalo na ang mga lolo at lola, ay naninigarilyo rin. Ang iba ay nasa loob pa ng bibig ang may sinding... bahagi ng sigarilyo. Nagagawang magsalita at makipag-usap kahit may nakasupalpal na sigarilyo sa bibig.

Sa mga paaralan, ang paninigarilyo ay isa na ring bisyo na hindi maiwasan ng mga estudyante. Sa kabila ng alam nila ang masamang epekto sa katawan ng paninigarilyo, hindi maiwasan ang bisyong ito.

Sa pagpapatupad ng smoking ban, marami ang naghahangad na maging matagumpay ito at tumalima ang mahihilig sa paninigarilyo, lalo na ang mga chain smoker.

May nagsasabi rin na baka marami rin ang hindi sumunod sa smoking ban, gaya sa kampanya kontra droga, kahit pa libu-libo na ang naitumba at napatay.

Marami tayong kababayan ang nag-aabang sa magiging resulta ng pagpapatupad ng smoking ban sa buong bansa.