By: Mario B. Casayuran at Leonel M. Abasola

Umaasa si Senador Grace Poe na ang kautusan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sampahan ng kasong kriminal si dating Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III ay magbibigay ng “closure” sa insidente sa Mamasapano.

Ayon kay Poe, sa pagdinig sa kaso ng pagkamatay ng 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF), mabibigyan ng pagkakataon ang dating Pangulo na ilahad ang kanyang panig sa pumalpak na operasyon ng pulisya at ang papel niya sa pagpaplano at pagpapatupad sa ‘’Oplan Exodus’’, na pinamunuan nang noo’y suspendidong si dating PNP chief Alan Purisima para hulihin ang teroristang si Zulfiki bin Hir alyas ‘’Marwan’’ sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.

Sinabi ni Sen. Richard Gordon nitong Linggo na nais niyang muling buksan ang imbestigasyon sa Mamasapano encounter dahil hindi ito nagkaroon ng “ultimate closure’’.

National

Batikang journalist binaril sa loob ng bahay sa Aklan, patay!

Iginiit ni Poe na dapat malaman ng sambayanan kung ano ang motibo ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee para ipilit ang imbestigasyon.

Si Poe ang nanguna sa imbestigasyon ng Mamasapano, at nagkaroon na rin ito ng mga rekomendasyon.

Gayunman, nilinaw ni Poe na karapatan ni Gordon na magpatawag ng imbestigasyon bilang chairman ng komite.

Pinuna naman ni Sen. Antonio Trillanes IV na mas pinaboran ni Sen. Richard Gordon ang imbestigasyon sa Mamasapano encounter na ikinamaty ng 44 PNP-SAF kaysa atupagin ang mahigit 8,000 namatay sa extrajudicial killings (EJK) sa kampanya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.

“Mas aatupagin pa ni Sen. Gordon ‘yung nakaraang issue na piniga na nang husto ng dating Kongreso pero ‘yung mga libu-libong pinapatay na Pilipino sa kasalukuyan, wala siyang panahon,” ani Trillanes.