Ni: Jun Fabon
Tinupok ng apoy ang bodega sa 4th floor ng SM North EDSA sa kasagsagan ng tatlong-araw na bodega sale ng mall sa Quezon City, iniulat kahapon ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Base sa ulat ni QC Fire Marshall Senior Supt. Manuel M. Manuel, ganap na 8:00 ng gabi nitong Linggo nang sumiklab ang apoy mula sa bodega ng ikaapat na palapag ng SM North sa kanto ng Mindanao Avenue sa Barangay Pagasa.
Ayon kay F/Chief Insp. Rosendo Cabellan, dahil walang bentilasyon sa bodega, posibleng uminit ang loob nito at nag-spark ang wiring ng kuryente hanggang sa sumiklab ang apoy at mabilis na nilamon ang buong bodegang imbakan ng mga laruang plastic at iba pa.
Nabatid sa arson probers ng BFP na umabot sa ikatlong alarma ang sunog, na ganap na naapula dakong 10:00 ng gabi.
Hindi pa idinedeklara ng pangasiwaan ng SM North ang halaga ng pinsala, habang wala namang nasaktan sa insidente.