Ni: Mary Ann Santiago

Isang lolong nakapiit sa presinto ng Manila Police District (MPD)-Station 4 dahil sa kasong ilegal na droga ang nasawi nang ma-dehydrate dahil sa iniindang karamdaman, bukod pa sa naimpeksiyon ang mga sugat nitong nakuha sa piitan, sa Sampaloc, Maynila, nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktimang si Daniel Buco, 63, ng San Diego Street sa Sampaloc.

Bandang 11:04 ng gabi nang bawian ng buhay si Buco habang ginagamot sa Ospital ng Sampaloc, dahil sa acute gastroenteritis with moderate dehydration, at impeksiyon sa mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

61-anyos na OFW, natagpuang patay sa bahay ng employer

Batay sa ulat ni PO3 Rodel Benitez, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), Hunyo 29 nang makulong si Buco matapos na maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa drug operation sa panulukan ng San Diego at Dapitan Streets sa Sampaloc.

Hulyo 12, dakong 11:20 ng gabi naman, nang isugod ito ng mga awtoridad sa ospital para sa check-up, pero kinailangan itong ma-confine.