Ni MARY ANN SANTIAGO
Patay ang isang kapitan ng barangay nang ratratin ng riding-in-tandem habang nakatayo sa mismong harapan ng barangay hall sa Teresa, Rizal, kahapon ng umaga.
Kaagad na nasawi si Arvin Zapanta, 44, chairman ng Barangay San Gabriel, sa Teresa, bunsod ng mga tinamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek, na kaagad tumakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat ng Teresa Municipal Police sa Rizal Police Provincial Office, nabatid na dakong 6:55 ng umaga nang mangyari ang krimen sa eskinita sa harapan ng barangay hall, malapit sa day care center.
Nakatayo lamang umano sa lugar si Zapanta nang bigla na itong hintuan ng mga suspek at pinagbabaril bago humarurot patakas.
Bigo naman ang mga saksi na makilala ang mga salarin na nakasuot ng helmet at bull cap.
Ayon sa pulisya, posibleng may kinalaman sa trabaho ni Zapanta, o sa nalalapit na barangay elections, ang krimen, bagamat masusi pang iniimbestigahan ang tunay na motibo sa pagpatay.