Ni AARON B. RECUENCO, May ulat nina Merlina Malipot at Beth Camia

Isang 88-anyos na babae ang namatay sa ospital matapos ang ilang araw na gamutan kasunod ng 6.5 magnitude na lindol sa Leyte, habang umabot na sa 948 ang naitalang aftershocks sa buong Eastern Visayas.

Sinabi ni Undersecretary Ricardo Jalad, administrator ng Office of Civil Defense (OCD), na dahil sa pagpanaw ni Maria Bardiago ay umabot na sa tatlo ang nasawi sa magnitude 6.5 na lindol nitong Hulyo 6.

Naospital si Bardiago, taga-Carigara, Leyte, dahil sa natamong sugat sa ulo habang lumilindol.

Probinsya

Pagpapapako ni Ruben Enaje sa krus, matutuldukan na ngayong taon?

Dalawang iba pa ang nasawi, habang 448 ang nasugatan sa pagguho ng mga gusali at lupa.

May kabuuang 80 paaralan, anim na health facility, 29 pasilidad ng gobyerno, at dalawang commercial building ang napinsala ng lindol sa Leyte pa lamang.

Ayon naman kay Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones, gagastos ang pamahalaan ng P184 milyon sa pagkukumpuni sa mga paaralang napinsala ng lindol, na pinakamarami ang naitala sa Ormoc City.

Naitala naman sa P135 milyon ang pinsala ng lindol sa agrikultura ng Ormoc.

Kaugnay nito, sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na magbibigay ang pamahalaang lungsod ng 30-araw na cash for work dahil napakarami, aniya, ng nawalan ng hanapbuhay sa siyudad.

Napaulat na nakatanggap ng tig-P20,000 ang pamilya ng dalawang nasawi sa lindol mula kay Pangulong Duterte, habang P15,000 naman sa nasugatan.

Samantala, wala pa ring kuryente sa Leyte at Southern Leyte, gayundin sa ilang lugar sa mga lalawigan sa Samar, ayon sa OCD.