Ni: Mary Ann Santiago
Hindi nagpatumpik-tumpik ang awtoridad sa pag-aresto sa apat na lalaki na pawang naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa Barangay Nangka, Marikina City kamakalawa.
Kasalukuyang nakakulong sa Marikina City Police sina John Francis Blanca, Marco Polo Arellano, Edgar Porol at Ernesto Delas Armas, pawang nasa hustong gulang at taga-Bgy. Nangka.
Sa ulat ng Marikina City Police, inaresto ang mga suspek sa kani-kanilang bahay sa Mirasol Street, bandang 9:30 ng umaga.
Una rito, ipinaalam sa mga tauhan ng Police Community Precinct 5 ang nagaganap na pot session sa lugar.
Mabilis na rumesponde ang awtoridad, kasama ang mga miyembro ng Barangay Security Force ng Bgy. Nangka, at inaresto ang mga suspek.
Narekober mula sa mga suspek ang pitong pakete ng umano’y shabu at mga drug paraphernalia.