BALIKO man ang kanyang likod, tuwid naman ang paninindigan ng isang babeng may madilim na nakaraan sa kuwentong gagampanan ni Bela Padilla ngayong gabi sa Maalaala Mo Kaya.
Bata pa lamang ay malaking dagok na agad ang naranasan ni Melanie (Bela) na nauwi sa pagiging kuba niya. Hindi niya iniinda ang kaliwa’t kanang pangungutya at panghuhusga, sa halip ay ipinagpatuloy niya ang pagtupad sa pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral.
Pero dahil sa hirap ng buhay, tumigil siya sa pag-aaral upang makipagsapalaran sa Cavite. Ang inakala niyang maayos na buhay sa Cavite ay mawawasak nang pagsamantalahan siya ng kanyang katrabaho.
Wasak at lunod na sa rami ng pagsubok, alamin kung paano kinaya ni Melanie ang patuloy na pakikibaka sa buhay lalo pa’t nagbunga ang panghahalay sa kanya,
Makakasama rin sa episode mamaya sina Nina Dolino, Mickey Ferriols, Viveika Ravanes, Mutya Orquia, at Miel Espinoza.
Ang episode ay mula sa panulat ni Akeem del Rosario at sa direksiyon ni Jerome Pobocan. Ang MMK ay pinamumunuan ng Star Creatives COO na si Malou Santos.