Ni: Fer Taboy
Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na sinibak nito sa puwesto ang 54 na pulis na nahaharap sa iba’t ibang kaso sa Davao region.
Kinumpirma ni Senior Insp. Catherine Dela Rey, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-11, na simula noong Hunyo 16 hanggang Hulyo 13 ay may kabuuang 54 na pulis na ang sinibak sa puwesto.
Ang mga nasibak na pulis ay nagmula sa Davao del Norte, Davao del Sur, at Davao Occidental.
Kasama rin sa nasabing bilang ng sinibak sa rehiyon ang 10 operatiba ng Davao City Police Office (DCPO).
Ang mga nasibak ay nahaharap sa mga kasong grave misconduct, serious neglect of duty, nag-AWOL (absence without official leave), habang ang iba ay nasangkot sa krimen at ilegal na droga.
Kasabay nito, nanawagan si PRO-11 director Chief Supt. Manuel Gaerlan sa publiko na kung may alam o kilala silang mga pulis na sangkot sa ilegal na gawain sa rehiyon ay kaagad na magsumbong sa kanyang tanggapan.