Ni: Mary Ann Santiago
Mariing kinondena ng isang lider ng Simbahang Katoliko ang plano na magtayo ng underwater theme park sa Coron, Palawan.
Sinabi ni Fr. Ed Pariño ng Social Action Center Director ng Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan, na kung matutuloy ang proyekto ay maraming katutubo ang mawawalan ng tahanan dahil masyadong malaki ang sakop ng theme park, na may lawak na 400 hektarya.
Pinangangambahan rin ng pari ang pagkasira ng mga coral reef na matagal na inalagaan ng mga katutubo at lokal na mandaragat ng Coron, Busuanga, Culion at Linapacan.
Iginiit ng pari na hindi patas para sa mga katutubo at residente na lehitimong nagmamay-ari at nakikinabang sa yaman ng kalikasan na basta na lamang itong kakamkamin ng mga mayayamang dayuhan.
“Libreng libre na sa amin ito, makikita na agad yung ganda ng aming coral reefs, tapos ang mangyayari nito kapag pinapasok namin sila e magbabayad na kami. Teka muna, para naman yatang unfair,” anang pari, sa panayam ng church-run Radyo Veritas.
Kaugnay dito, sinabi ni Pariño na naghahanda sila para sa isang forum na naglalayong ipaalam sa mga residente at katutubo ang tunay na sitwasyong kinakaharap ng Palawan.
Imbitado sa forum sa Hulyo 18 ang iba’t ibang stakeholders sa Coron kabilang na ang lokal na pamahalaan, samahan ng mga may-ari ng restaurant at hotel, mga lider ng katutubo sa Coron, academe at iba’t ibang NGO.
Hinimok ni Pariño ang iba pang environmentalist na makiisa sa kanilang pagprotekta sa Palawan na tinaguriang “The Last Frontier.”