Ni: Mary Ann Santiago

Timbuwang ang isang lalaki na napagkamalang police asset sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Patay na nang isugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Liwanag Comia, Jr., 38, ng 1245 Area A, Gate 5, Parola Compound, Tondo dahil sa mga tama ng bala sa katawan.

Sa ulat ni SPO2 Charles John Duran, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril sa Gate 6 ng Area A sa Parola Compound, dakong 1:00 ng madaling araw.

National

Paglilipat ng sako-sakong NFA rice sa Visayas, ipinag-utos na ng DA

Sa salaysay sa pulisya ni Jayross Comia, 22, pinsan ng biktima, bago ang insidente ay nagkita pa sila ni Liwanag sa labas ng bahay nito.

Inilawan pa umano siya ng biktima, gamit ang flashlight, at sinabihan ng, “Matulog ka na,” kaya umuwi na siya.

Gayunman, pagpasok ni Jayross sa loob ng kanyang bahay ay nakarinig siya ng sunud-sunod na putok ng baril at nang silipin ay nakitang duguang nakabulagta ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon sa pamamaslang.