Ni: Orly L. Barcala
Arestado ang isang tricycle driver na itinuturong suspek sa pagpatay sa isang Amerikano sa Caloocan City, nitong Martes ng madaling araw.
Ayon kay Police Sr. Supt. Chito Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, inaresto sa bahay si Romeo De Luna, Jr., alyas Bugoy, 23, ng C. Apostol Street, Barangay 64 ng nasabing lungsod, bandang 3:00 ng hapon.
Nag-ugat ang pag-aresto kay De Luna sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera na mapapanood na kasama niya ang biktimang si James Boudreaux, 60, habang papasok sa inuupahang bahay ng huli sa Bgy. 73, Caloocan City, dakong 11:00 ng gabi.
Ayon sa suspek, niyaya siya ng biktima na mag-inuman sa inuupahan nitong kuwarto.
Nagulat umano si De Luna dahil nang malasing si Boudreaux, sinabing tinangka siya nitong halayin.
Pumalag umano si De Luna hanggang sa masaksak niya si Boudreaux at lalong nagdilim ang kanyang paningin nang matadyakan siya ng huli at tuluyang pinagsasaksak.