MAY mild slipped disk pala si Andrea Torres pero tuloy pa rin siya sa pagsisimula ng taping nila ng Alyas Robin Hood 2 next week kasama uli si Dingdong Dantes.
“Mahilig po kasi akong magbuhat ng mabibigat lalo na kapag nasa gym ako,” kuwento ni Andrea. “Iyon po, nasobrahan yata, naramdaman ko na lang, parang may nag-tick sa likod ko. Mild slipped disk nga raw po kaya I am undergoing therapy. Mali-lessen daw po ang sakit, pero hindi na raw mawawala ito. Pero tuloy pa rin po ako ng muay thai at boxing dahil kailangan ko sa role ko as Ada sa aming action-drama series. May inilalagay po sa likod ko na parang kuryente para hindi masyadong masakit kapag nag-aaksiyon na ako. Bearable naman po, kaya ko naman, maingat lang ako.”
Hindi nila in-expect na magsisimula agad sila ng Book 2 ng Alyas Robin Hood kaya nagulat siya nang tawagan na sila para sa story conference. Masaya, parang nag-reunion ang buong cast dahil sila pa rin ang magkakasama, si Megan Young lang na unang leading lady ni Dingdong ang wala dahil namatay na ang character nito sa first book. Si Solenn Heussaff ang bagong leading lady ni Dingdong.
First time niyang makakasama si Solenn sa isang serye.
“Sa mga events ng GMA nagkakasama na kami, pero sa teleserye first time lang kaming magkakasama. Biro nga paseksihan daw kami ni Solenn. Kaya nga bukod sa mga action scenes namin dito, pinaghahandaan ko na rin ang paseksihan namin ni Solenn na hindi malayong mangyari. Nagsimula na rin akong mag-diet. After pa naman ng first book namin, kumain ako nang kumain dahil na-deprive ako sa mga gusto kong kainin noon dahil sa role ko. Minsan pa naman bubulagain ka ng production sa call slip na ‘may Shoot ka ng sexy scene’ kaya dapat lagi akong handa.”
Hindi ba niya nami-miss ang dating ka-love team niyang si Mikael Daez?
“Pahinga po muna kami, para rin naman magkaroon siya ng bagong kapareha. Napanood ko ‘yong Legally Blind nila ni Janine Gutierrez at bagay sila, may chemistry sila ni Janine, plus maganda story ng kanilang afternoon prime drama.
At sana rin matupad na iyong wish niya na makatambal naman niya ang girlfriend na si Megan sa isang teleserye.”
Ang Alyas Robin Hood 2 ay ididirehe pa rin ni Dominic Zapata. Hindi na yata matutulog si Direk Dom, dahil siya rin ang director ng Mulawin vs Ravena.