Ni REGGEE BONOAN
SA rami ng roles na gustong gampanan ni AJ Muhlach sa pelikula, sa wakas ay nahanap na niya ang talagang bagay sa kanya at gusto niya, ang pagiging action star.
Bago pa man siya inalok ni Boss Vic del Rosario na gawin ang Double Barrel ay pinag-isipan na palang mabuti ni Direk Toto Natividad kung papasang bida sa pelikula si AJ, pero dumaan na pala ang baguhang aktor sa series of combat training.
“Nagti-train po ako ng Filipino Martial Arts dati before pa ako mag-action, three years ago po at two years straight po akong nag-training. Pekiti Tirsia Kali po ang name nu’ng martial arts, combat arts siya actually na itinuturo sa mga sundalo sa atin.
“’Yung balangay po namin actually sa Camp Karingal (Sikatuna, Quezon City), so two years po akong nag-train kaya sa pagpasok ko sa Double Barrel, nabanggit ko naman po kay Direk Toto na may background po ako and then on the set na lang po ‘yung additional pag-aaral ko ng action scenes at saka nandoon naman po si Tatay Val Iglesia (stunt director) para turuan ako,” kuwento ni AJ sa solo interview namin sa kanya pagkatapos ng presscon proper ng Double Barrel.
Unang pelikula ni AJ ang Double Barrel na siya ang bida at aminadong kinakabahan siya.
“Baka po kasi hindi ako pasado as an action star o maganda ang kalalabasan sa screen, pero habang ginagawa po namin through the guidance of Direk Toto, mas naging komportable po ako.
“Dati po kasi, hindi ko alam kung ano ang dapat i-market sa akin, kung dancer, matinee idol ba, singer, ngayon po, sure na ako na action talaga ang gusto ko talaga sa career ko,” pagtatapat ni AJ.
Maraming kundisyon si Direk Toto nu’ng i-present siya ni Boss Vic para maging bida sa Double Barrel at sa ikalawang pagkikita nila ay pumayag na ang direktor na siya ang bida sa pelikula.
Gagampanan ni AJ ang isang wanted na pusher at sa Navotas, Caloocan at Smokey Mountain ang location ng shooting nila.
Walong taon na sa showbiz si AJ na unang nakilala bilang miyembro ng boy band na XLR8 at naging bida sa Bagets at PS I Love You sa TV5.
Tuluy-tuloy ang projects niya sa Viva na karamihan ay napanood sa Sari-sari channel sa Cignal TV, at napanood din siya sa Tasya Fantasya at Be Careful With My Heart (cameo role) ng ABS-CBN at ang huli niyang project ay ang pelikulang Darkroom.
“Ang wala po ako ay teleseryeng regular, wala pong nag-aalok pa,” sambit ng binata. “Baka po kasi hindi rin alam kung paano ako ima-market. Ako rin po dati, confused din ako kung ano bagay sa akin.”
Hindi itinanggi ng half-brother ni Aga Muhlach na nainip siya sa nangyari sa career niya dahil sa loob ng walong taon ay wala pang masyadong nagaganap sa buhay niya.
“Gusto kong mag-aral pero sabi ng dad (Cheng Muhlach), ‘may trabaho ka na, bakit mag-aaral ka pa? Kaya nga nag-aaral para magkatrabaho, di ba?’ So, tama naman po, sabi pa ng tatay ko na puwede naman akong mag-aral, mag-ipon muna ako.
“’Tapos po, pumasok ako sa dancing. Nagkaroon naman talaga ako ng passion sa dancing, nag-compete naman po kami sa ibang bansa, doon ako na-distract ng ilang months, ‘tapos nag-gym, nagwork-out.
“Tumuntong naman po ako ng college, pero hindi ko po natapos kasi papalit-palit ako ng kurso, nakatatlong course po ako. Una, Applied Physics sa UST, mahilig po ako sa math, ‘yun po talaga ang forte ko, ‘tapos nag-artista na po, so nag-fail due to absences lahat.
“’Tapos, nag-Culinary po ako, okay naman po mas flexible ang oras, pero tumataba ako kasi kami rin po ang kumakain ng niluluto namin. ‘Tapos third po, nag-conservatory of music naman ako sa UST. After no’n, hindi ko kayang pumasok lagi at nahiya ako sa prof ko, kaya huminto na ako,” pagtatapat ni AJ.
Salad lang ang kinakain ni AJ habang kausap namin siya, kaya pinansin namin kung diet ba siya para hindi muling tumaba, pero hindi pala kundi dahil may sakit siya.
“Mayroon polyps daw ako sa gallbladder at sa pagkain daw nakukuha. Cholesterol build-up daw kaya po may medication po ako ngayon.
“Sa set nga po talagang ‘pag kumakain po ako namimilipit ako sa sakit hanggang one time po hindi ko na kayang tiisin na akala ko nu’ng una impatso lang.
“Nagpa-check up po ako, ‘yun nga may polyps daw kaya bawal ako ng oily, fatty food, bawal ng beef for a month. Kaya salad, crackers lang po puwede kong kainin. Nakakalungkot nga po, pati chicken bawal din,” kuwento ng binata.
Noong mga panahong wala siyang project, lumapit ba siya sa Kuya Aga niya?
“Ah, hindi na po kasi busy siya sa family niya. Sa family gatherings lang kami nagkikita, pero lately hindi na. Saka baka ini-enjoy niya ang pagiging dad niya, ang lalaki na rin ng mga pamangkin ko (Atasha at Andres),” nakangiting kuwento ng nakababatang kapatid ni Morning.
Kumusta naman ang Daddy Cheng niya?
“Okay naman po siya ngayon,”matipid na sagot ng aktor.
Sa New York, Cubao nakatira si AJ kasama ang ama.
“Doon pa rin po kami nakatira, nilindol na’t lahat, matibay pa rin,” natatawang sabi ng binata. “’Yung isang building po pinauupahan po namin, dumami na po kasi pinaliit ‘yung mga kuwarto.”
In fairness, hindi breadwinner si AJ dahil lifetime ang source of income ng dad niya sa buong building -- sa kanto ng New York Street at E Rodriguez na okupado ang lahat ng puwesto ng umuupa.
Anyway, husgahan na si AJ bilang bagong action star sa Double Barrel sa Agosto 2 mula sa Viva Films kasama sina Jeric Raval, Ali Khatibi at Phoebe Walker.