Ni: Fer Taboy
Inoobserbahan ngayon ang kalagayan ng halos 200 estudyante na isinugod sa ospital matapos uminom ng bitaminang ferrous sulfate sa kanilang eskuwelahan sa Mati City, Davao Oriemtal kahapon.
Ayon sa report ng Mati City Police Office (MCPO), dumanas ng pagkahilo ang mga estudyante matapos na uminom ng nasabing bitamina.
Sinabi naman ni Bebot Lopez, barangay chairman, bukod sa pagkahilo ay nagreklamo rin ng pananakit ng tiyan ats pagsusuka ang nasa 200 estudyanteng naospital.
Ayon sa magulang ng mga biktima, pinapirma sila ng waiver bago pinainom ng nasabing vitamins ang kanilang mga anak.
Kinumpirma naman ng isang nurse sa Davao Oriental Provincial Hospital na ilan sa mga estudyante ang nananatili pa rin sa pagamutan at patuloy na inoobserbahan ng mga doktor hanggang kahapon.