NI: Mary Ann Santiago

Pinaulanan ng bala ang isang gang member na himbing sa kanyang tricycle habang sugatan naman ang isa pa nang saksakin sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni PO3 Dennis Turla, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pamamaril kay Ricardo Manlapaz, alyas Unyo, 42, miyembro ng Commando gang, at residente ng 212 Maginoo Street, Tondo, dakong 1:30 ng madaling araw.

Natutulog umano si Manlapaz sa kanyang tricycle, na nakaparada sa J.P. Rizal St., nang lapitan ng mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo at pinagbabaril.

Internasyonal

Pope Francis, tinig ng awa, habag, at pag-asa —Pangilinan

Mabilis na nagsitakas ang mga armado nang makitang patay na ang biktima.

Samantala, sugatan naman ang isa pang Commando gang member na si Dennis Fumar, 25, ng Block 8, Baseco Compound sa Port Area.

Naglalakad umano si Fumar sa Plaza Hernandez, tapat ng Sto. Niño Church, nang lapitan at saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek, dakong 3:40 ng madaling araw.

Kahit sugatan ay nagawa ni Fumar na makapunta sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center upang magpagamot.

Patuloy ang imbestigasyon sa mga nasabing insidente.