Ni: Mary Ann Santiago

Patay ang isang construction worker makaraan umanong manlaban sa buy-bust operation sa Tondo, Maynila, nitong Lunes.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Hospital ang buhay ni Ehmil Marcos, 38, ng Kapulungan Street, Tondo, ngunit nasawi rin dahil sa mga natamong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat ni SPO2 Donald Panaligan, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), nabatid na dakong 7:45 ng umaga nang mangyari ang insidente sa harap ng bahay ni Marcos.

National

Meralco, may dagdag-singil sa kuryente ngayong Setyembre!

Nabatid na nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng MPD-District Special Operation Unit (DSOU), sa pamumuno ni Chief Insp. Jay Dimaandal, laban sa suspek matapos na makatanggap ng tip hinggil sa ilegal nitong aktibidad.

Sa transaksiyon, nakahalata umano si Marcos na poseur buyer si PO1 David Ralph Olisea, kaagad umanong bumunot ng baril at pinaputukan si Olisea.

Kaagad namang sinaklolohan si Olisea ni PO1 Regie Sallaya, na nakapatay kay Marcos.

Narekober umano mula sa suspek ang isang .38 caliber revolver, apat na plastic sachet ng shabu, at P500 marked money.