Ni: Orly L. Barcala

Naliligo sa sariling dugo at wala nang buhay ang isang Amerikano nang matagpuan sa loob ng inuupahang kuwarto sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si James Boudreaux, 60, pansamantalang naninirahan sa Barangay 73 sa Samson Road.

Sa salaysay ni Marissa Silva, 48, kasera ng biktima, nagulat siya nang may marinig na malakas na kalabog at sigaw sa loob ng kuwarto ng Amerikano, bandang 1:00 ng umaga.

Eleksyon

Camille Villar, tinugon kritisismo laban sa nanay niyang senador; tinulungang mag-improve ang buhay ng mga magsasaka

Mabilis na tinawag ni Silva ang kanyang mister at pinuntahan nila ang kuwarto ng dayuhan hanggang sa makita nila itong nakabulagta ito at walang malay.

“Nagpaalam pa po sa akin si Mang James bandang 9:00 ng gabi. Tapos umuwi ito after one hour at may kasamang binatilyo,” ani Marissa.

Inimbestigahan ng mga pulis ang sinasabing binatilyo, pero sinabi ng huli na 11:00 ng gabi pa lamang ay umalis na ito sa inuupahan ng dayuhan.

Nabatid na ang binatilyo at isa pang dalagita, kapwa taga-Bgy. 73, ay kapwa pinag-aaral nang libre ni Boudreaux.

“Mabait po at walang kagalit sa lugar namin si Mang James, bukod sa may pinag-aaral siyang mga teenager. Madalas siyang magluto ng pagkain at libre niyang ipinakakain sa mga bata sa basketball court,” kuwento ni Silva.