Ni: Francis Wakefield at Fer Taboy

Nasugatan ang anim na sundalo makaraan silang masabugan ng landmine, na hinihinalang kagagawan ng New People’s Army (NPA), habang lulan sa dalawang military truck patungo sa kanilang mga barracks sa Quirino, kahapon ng umaga.

Sinabi ni Army Captain Jefferson Somera, tagapagsalita ng 5th Infantry Division ng Philippine Army, na nangyari ang pagsabog sa Barangay Sangbay, Natipunan, Quirino, bandang 8:30 ng umaga.

Nabatid na lulan ang mga tropa ng B Company ng 86th Infantry Battalion sa dalawang military truck at pabalik na sa kanilang barracks nang sumabog ang landmine.

Probinsya

Student-athlete, pumanaw matapos ang boxing match

Kagagaling lang ng mga sundalo sa isang proyekto ng Civil Military Operations (CMO) sa Natipunan nang mangyari ang insidente.

Sinabi ni Somera na mga hinihinalang miyembro ng NPA ang nagtanim at nagpasabog ng landmine, na gumamit ng pressure type mime.

Walang nangyaring engkuwentro.

Ayon kay Somera, dinala sa Diduyon District Hospital ang mga hindi kinilalang sundalo.

Aniya, binigyan ng first aid at ligtas na sa kapahamakan ang tatlo sa mga sundalo, habang inilipat naman sa pagamutan sa Cabaroguis ang tatlo pa.

Samantala, bahagyang napinsala ang mga military truck ngunit nagagamit pa rin ito.

Kinondena naman ni Army 5th ID commander, Major General Paul T. Atal, ang insidente at sinabing malinaw na paglabag ito sa Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights.