Ni: Nestor Abrematea, Mars Mosqueda, Jr., Rommel Tabbad, Francis Wakefield, at Mary Ann Santiago
TACLOBAN CITY – Hindi pa man nakakabangon sa nakapanlulumong pinsala ng 6.5 magnitude na lindol sa Leyte nitong Huwebes, muling inuga ng magnitude 5.4 ang lalawigan at mga karatig probinsiya nito bandang 9:41 ng umaga kahapon.
Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na natukoy sa Ormoc City ang epicenter ng mga huling pagyanig kahapon.
Tarantang nagpulasan palabas ng mga gusali at establisimyento ang mga tao nang maramdaman ang pagyanig, na wala namang napaulat na napinsala o nasawi.
Paliwanag ni Engr. Reynaldo Antioquia, ng Phivolcs-Capiz, ang pagyanig ay kabilang sa aftershocks ng magnitude 6.5 na yumanig sa Jaro, Leyte nitong Huwebes.
Naitala ang Intensity 5 sa Ormoc City, Intensity 4 sa Mayorga at Tacloban City sa Leyte, at Mandaue City sa Cebu.
Intensity 3 naman ang naramdaman sa Cebu City, habang Intensity 2 sa Lapu-Lapu City, Cebu; sa Palo, Leyte, at sa Iloilo City.
KLASE SINUSPINDE
Sa Cebu, ilang pribado at pampublikong eskuwelahan ang napilitang magsuspinde ng klase kasunod ng pagyanig—na higit na naramdaman ng mga nagtatrabaho sa nagtatayugang gusali sa Cebu Business Park at sa IT Park.
“Para bang iniuugoy kami sa duyan,” kuwento ni Melvin Gako, call center worker sa ika-15 palapag ng isa sa mga skyscraper sa IT Park.
Ayon sa Phivolcs, ang magnitude 5.4 ay nasundan pa ng tatlong aftershocks: magnitude 3.3 bandang 9:49 ng umaga, magnitude 3.2 ng 9:54 ng umaga, at magnitude 2.1 ng 10:07 ng umaga. Pawang sa Ormoc City ang epicenter ng nasabing mga pagyanig.
9,185 LEYTEÑO SINALANTA
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 329 ang kabuuang bilang ng mga nasugatan sa lindol nitong Huwebes, na pumatay sa dalawang tao.
Sinabi pa ni NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan na nasa P51,786,608.20 na ang naitalang halaga ng pinsala sa Leyte, at may kabuuang 1,837 pamilya o 9,185 katao sa 14 na barangay sa lalawigan ang naapektuhan.
TULONG AT DASAL
Kasabay nito, umaapela ng dasal at tulong mula sa publiko ang mga taga-Leyte.
Ayon kay Fr. Isagani Petillos, kura paroko ng Sts. Peter and Paul Parish sa Ormoc, nasa 800 pamilya ang direktang naapektuhan ng pagyanig at nangangailangan ngayon ng ayuda at panalangin.