Ni: Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea

Anim na drug suspect, kabilang ang isang barangay kagawad, ang inaresto nang makuhanan ng P50,000 halaga ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa loob ng isang motel sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Chief Superintendent Tomas Apolinario, Jr., SPD director, ang mga suspek na sina Christian Cuenca, nasa hustong gulang, kagawad at residente ng Barangay 69, Pasay; Roberto Calasan; Michael Angelo Ng; George Dela Rosa; Imelda Ramos; at Syd Argie Quiachon.

Dinampot ng mga tauhan ng SPD-Drug Enforcement Unit (DEU) si Cuenca at kanyang mga kasama sa loob ng isang motel sa Roxas Boulevard, Pasay, dakong 5:30 ng madaling araw.

National

'Gagawin nating alaala, kasaysayan na lang ang mahal na bigas!'—Romualdez

Ayon kay Apolinario, bumili ang poseur-buyer ng P5,000 halaga ng shabu kay Cuenca. Nang tanggapin ng suspek ang buy-bust money at ibigay ang shabu sa pulis, lumabas ang undercover agents at siya ay inaresto.

Inaresto rin ang mga kasamahan ni Cuenca sa loob ng isang motel room at nang sila ay kapkapan, nakuha sa kanila ang pitong pakete ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P50,000.

Nakuha rin ng awtoridad ang limang P1,000 bill at iba pang drug paraphernalia mula kay Cuenca at sa kanyang grupo.

Sinabi ng awtoridad na si Cuenca ay isang kilabot na tulak ng ilegal na droga sa iba’t ibang barangay sa Pasay City at hinihinalang ang grupo ay babatak sa loob ng motel.

Idiniretso ang mga suspek sa SPD headquarters sa Taguig City at kinasuhan ng selling and possession of illegal drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.