Ni: Tara Yap at Niño Luces

ILOILO CITY – Naniniwala ang isang opisyal ng militar na “pakitang-tao lang” ang pagsasauli ng New People’s Army (NPA) ng mga gamit na tinangay ng mga ito mula sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Maasin, Iloilo na sinalakay ng mga ito noong nakaraang buwan.

“Pakitang tao lang eto,” sabi ni Lt. Col. Sisenando Magbalot, Jr., commander ng 61st Infantry Battalion (61 IB) ng Philippine Army.

Isinauli ng mga rebelde nitong weekend sa tatlong kilalang istasyon ng radyo sa Iloilo ang mga gamit na tinangay ng mga ito mula sa presinto ng Maasin nitong Hunyo 18.

Probinsya

₱200K, alok na pabuya sa makapagtuturo sa bumaril sa Koreano sa Pampanga

Isinauli ng NPA ang dalawang laptop computer ng Maasin Police sa Bombo Radyo-Iloilo.

Mga personal na gamit ng mga pulis naman ang isinuko nila sa Aksyon Radyo-Iloilo, kabilang ang pera, ilang ID, mga cell phone, at mga alahas.

Isinauli rin ng NPA sa RMN Iloilo ang mga personal na gamit ng driver ng van na tinangay nila. Inamin ng mga rebelde na gagamitin sana nila ang van—na tinangay nila nitong Hunyo 15 ngunit kalaunan ay nabawi rin—bilang getaway vehicle para sa pagsalakay nila sa presinto.

PROPAGANDA GAMES

Ayon kay Magbalot, patuloy ang pagganap ng NPA ng propaganda games para sa publicity na gumagawa ang mga ito ng kabutihan, ngunit binatikos ang kilusan sa hindi pagsasauli sa mga baril na ninakaw din ng mga ito sa nasabing pag-atake.

Isinauli ng NPA ang mga tinangay nitong gamit mahigit isang linggo makaraang magsampa ang Iloilo Police Provincial Office ng limang magkakahiwalay na kasong kriminal laban sa mga rebelde.

10 SUMUKO SA MASBATE

Samantala, sampung rebelde naman ang sumuko sa militar sa Milagros, Masbate nitong Sabado ng hapon.

Ayon kay Senior Insp. Malu Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-5, sumuko sina alyas “ Jack”, “Pito”, “Nonoy”, “Guiller”, “Mars”, “Obet”, “Zandra, “Judy”, “Brix”, at “Gelly”, sa headquarters ng 2nd Infantry Brigade sa Barangay Bacolod, Milagros.

Isinuko rin ng mga rebelde ang kani-kanilang baril.