Ni: Liezle Basa Iñigo
BOLINAO, Pangasinan - Business as usual na muli kahapon sa Patar white beach makaraang mapakiusapan ang mga residente at mga may-ari ng resort na muli itong buksan ngayong weekend matapos ang isinagawang human barricade at roadblock sa lugar simula nitong Miyerkules.
Nagalit ang mahigit 1,000 residente at resorts owner sa Patar nang sugurin sila ng mga grupo na may dalang court order para magsagawa ng relocation survey.
Kaagad namang nagtungo sa lugar ang mga kinatawan ng Pangasinan Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), mga pulis, at mga opisyal ng barangay, maliban pa sa bitbit na security group ng sinasabing land-grabbing syndicate sa dumayo sa Patar.
Hindi pinayagan ng mga resort owner ang pagpasok ng mga ito sa lugar kaya nagbarikada sila nitong Miyerkules at Huwebes, at nag-roadblock naman nitong Biyernes.
Namagitan naman si Rep. Jesus “Boying” Celeste para muling buksan sa turismo ang lugar, at nangakong paiimbestigahan ang claims sa nasabing tourism area.