Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Aabot sa 40 pamilya ang nagsilikas sa pagsiklab ng apoy sa isang residential area, habang isang residente ang sugatan, sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Dalawampung bahay ang naabo sa kahabaan ng Pearl Street, Sitio Kislap, sa Fairview.
Ayon kay Quezon City fire marshall Senior Supt. Manuel Manuel, nagsimula ang apoy sa kuwarto ng dalawang palapag na bahay ni Wendelyn Wales, bandang 8:59 ng umaga.
Aniya, mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay at ito ay umabot sa ikatlong alarma makalipas lamang ang limang minuto.
Sa kabutihang palad, agad rumesponde ang mga bumbero at idineklarang under control bandang 10:00 ng umaga at tuluyang naapula pagsapit ng 10:30 ng umaga. Aabot sa kabuuang 37 bumbero ang rumesponde sa pinangyarihan, ayon kay Manuel.
Isang residente, kinilalang si Roy Tinada, 39, ang naiulat na sugatan na nagtamo ng paso sa kanang kamay.
Idinagdag ni Manuel na walang lubhang nasugatan sa insidente.
Sinabi ng hepe na aabot sa P150,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.
Patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog.