Ni: PNA
Nananawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging alerto laban sa “WILD” diseases ngayong tag-ulan.
Ang “WILD” diseases ay kinabibilangan ng water-borne diseases (sakit na nakukuha tubig), influenza, leptospiros at dengue.
Sinabi ni DOH Spokesperson Dr. Eric Tayag na ang water-borne diseases ay pinangungunahan ng diarrhea na nakukuha sa pamamagitan ng kontaminadong tubig.
“There is a possibility that drinking water sources maybe contaminated by rainwater especially in those area where there is poor sanitation,” paliwanag ni Dr. Tayag.
Ipinapayo at inirerekomenda ng DOH ang paggamit ng hyposol o chlorine tablets para maging malinis ang inuming tubig.
Ang influenza ay isa rin sa mga sakit na dapat bantayan tuwing tag-ulan na madalas ang pagdapo ng ubo, lagnat at trangkaso sa mga mamamayan.
Bilang proteksiyon, nagbigay ang DOH ng flu at pneumonia vaccines sa senior citizens.
Para malabanan ang leptospirosis, sinabi niya na mahalagang protektahan ang sarili sa maruming tubig-baha na kontaminado ng ihi ng daga na maaaring pumasok sa sugat.
Bilang proteksiyon, inirerekomenda ng DOH ang paggamit ng boots kung kinakailangang maglakad sa baha.
Panghuli, ang dengue na kinabibilangan din ng iba pang katulad na sakit gaya ng zika at chikungunya, na aniya ay mahalagang malaman ng mga tao kung paano maiiwasan ang mga ito.
Kabilang sa mga paraan para maiwasan ang dengue at iba pang sakit na dulot ng kagat ng lamok ang pagpuksa sa mga pinamumugaran ng insekto; magkaroon ng self-protection measures (magsuot ng long sleeves, pajama, gumamit ng kulambo at mosquito repellant lotions, atbp.); at marami pang iba.
Sa inaasahang pagkalat ng WILD diseases ngayong tag-ulan, nanawagan ang DOH sa publiko na magpakonsulta nang maaga kapag nakararanas ng sintomas ng mga nasabing sakit.
Sinabi ng opisyal ng DOH na handa ang Health Department na magkaloob ng lunas sa mga health center at pasilidad ng gobyerno.
“So, ‘pag sinabi nating handa ang DOH, dapat ay handa ang bawat isa sa atin sapagkat kung alam naman natin kung ano ang dapat gawin at maiiwasan natin magkasakit ngayong tag-ulan, tayo ay hindi magiging problema sa mga doctor at kayo ay hindi aabsent at tuloy tuloy sa pagpasok lalo na yung may mga trabaho,” sabi ng opisyal ng DOH.