Ni: Rommel P. Tabbad
Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman ang forfeiture o pagsamsam sa nasa P29.9 milyon na umano’y ill-gotten wealth ng dating Philippine National Police (PNP) chief na si Alan Purisima.
Ito ay makaraang ilabas ng Ombudsman ang desisyon nito para sampahan na ng kaso sa Sandiganbayan si Purisima nang mapatunayang guilty ito sa grave misconduct, serious dishonesty, at sa pagkakaroon umano ng nakaw na yaman na aabot sa P29.2 milyon.
Sa record ng kaso, nagkaroon umano ng labis na yaman si Purisima na hindi tugma sa karaniwang sahod at allowances nito bilang hepe ng PNP.
Ayon sa korte, natuklasang may mga ari-arian at negosyong hindi idineklara sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng mag-asawang Alan at Maria Ramona Purisima.
Hindi rin maipaliwanag ni Purisima kung saan nagmula ang perang ginamit sa mga biyahe ng kanyang pamilya sa iba’t ibang bansa.
Sa reklamo laban kay Purisima, nagkaroon ng 19 na biyahe sa abroad si Maria Ramona habang ang anak na si Rainier ay may 10 biyahe, apat ang biyahe ng isa pang anak na si Eumir, lima kay Alan, Jr., at pito sa bunsong si Jayson.