Ni: Francis T. Wakefield
Nadakip ang hinihinalang lider ng New People’s Army (NPA) Guerilla Front 16 sa checkpoint ng pinagsanib-puwersang 30th Infantry Battalion ng Philippine Army, Surigao City Police, at Provincial Public Safety Company, sa Surigao City nitong Miyerkules.
Ayon sa report, isang Arperl Rabago, alyas “Yoyo”, vice commander ng NPA platoon ng Guerilla Front 16 sa Surigao del Norte, ang inaresto sa checkpoint sa Barangay Trinidad, Surigao City bandang 5:00 ng hapon.
May warrant of arrest si Rabago na inisyu ng Surigao City Judicial Branch Court para sa patung-patong na kaso ng murder at frustrated murder.
Ayon kay Army 2nd Lt. Jonel Castillo, ng 30th IB, si Rabago rin ang responsable sa ilang kaso ng harassment at extortion sa ilang bahagi ng probinsya.
Si Rabago rin umano ang namuno sa mga pag-atake sa militar habang nagsasagawa ng peace and development activities sa mga bayan ng Malimono, San Francisco at Surigao City sa nakalipas na mga taon.