Ni: Mars Mosqueda, Jr. at Fer Taboy
BADIAN, Cebu – Isang 52-anyos na barangay chairwoman, kasama ang isang lalaking umano’y tulak, ang naaresto sa buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng nasa P2 milyon halaga ng shabu sa Badian, Cebu.
Big-time ang pagkakaaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-7 kay Epifania Alvizo, chairwoman ng Barangay Malabago sa Badian.
Kinilala naman ni Chief Supt. Noli Taliño, director ng Police Regional Office (PRO)-7, ang isa pang nadakip na kasama ni Alvizo na si Ronald Lebrando.
Ayon sa Badian City Police, katuwang ang PDEA ay isinailalim nikla sa tatlong-buwang surveillance si Alvizo makaraan itong ireklamo ng sariling mga kalugar sa pagbebenta umano ng droga.
Ikinasa ang buy-bust at iniabot umano ni Alvizo sa isang undercover agent ng PDEA-7 ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P150,000.
Nasa 200 gramo naman ng shabu, na nagkakahalaga ng P360,000 ang sinasabing nasamsam mula kay Lebrando, ayon sa pulisya.
Bukod dito, nakasamsam pa umano ang mga awtoridad ng kalahating kilo ng shabu mula kay Alvizo na nagkakahalaga naman ng P1.5 milyon.
Nakakumpiska rin ang PDEA-7 ng mga bankbook na naglalaman ng milyun-milyong piso, tatlong ATM card, ilang ID at tatlong mobile phone mula kay Alvizo.
Ayon kay PDEA-7 Director Yogi Filemon Ruiz, sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City kinukuha ni Alvizo ang ibinebentang droga kung saan kasalukuyang nakapiit ang kanyang asawa dahil sa kasong kidnapping.
Dagdag pa ni Ruiz, mismong mga kapitbahay ng kapitana ang nagduda sa opisyal matapos itong makabili ng mga ari-arian at ilang sasakyan ilang buwan matapos na makulong sa Bilibid ang mister nito, gayong tanging isang sari-sari store lamang ang pinagkakakitaan ni Alvizo.