Ni: Bella Gamotea
Patay ang isang siyam na buwang buntis at kanyang nasa sinapupunan nang pagbabarilin ng kanyang kapitbahay, sa harap mismo ng kanyang anak sa Makati City, nitong Miyerkules ng gabi.
Dead on the spot si Joan Fontebuena, 36, ng Barangay Rizal, Makati City, na nagtamo ng mga tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan.
Agad naaresto at kasalukuyang nakakulong sa Makati City Police si Nelson Abrazaldo, alyas Ison, 30, sangkot umano sa ilegal na droga.
Sa ulat ni PO3 Ronaldo Villaranda, ng Homicide Section, naganap ang pamamaril sa Pascua Street, Barangay Rizal, Makati City, dakong 11:30 ng gabi.
Naglalakad ang biktima at kanyang anak, 7, nang sumulpot ang suspek at makailang beses pinaputukan ang biktima.
Sa follow-up operation, naaresto ang suspek nang positibong ituro ng anak ng biktima.
Sa imbestigasyon, napag-alam na minsan nang nagbanta ang ginang laban sa mga adik sa kanilang lugar na sinisilip ngayong motibo ng awtoridad.