Ni JIMI ESCALA
BIGLANG napatawa si Sen. Manny Pacquiao nang diretsahang tanungin ni Noli de Castro sa live interview sa TV Patrol kung naiisip na ba ng Pambansang Kamao ang pagreretiro sa boxing. Itinuturing na raw kasing senior citizen na ang isang boksingero pagsapit sa edad na 38 years old.

Trenta’y otso anyos na ngayon si Pacman.
“Kinokonsidera ko na rin naman ‘yan,” napangiting sagot niya at idinagdag na pati raw ang opinion ng mga tao, opinion ng pamilya niya at ang kundisyon ng katawan niya ay kinokonsidera rin niya.
“Sa ngayon, eh, hindi ko muna masasagot ‘yan, at mag-relax muna ako. Pananakit ng katawan at after that, saka ko na pag-isipan nang mabuti ang bagay na ‘yan,” sabi pa ni Sen. Pacquiao.
Sinagot rin ni Manny ang sinasabing kulang na kulang siya sa preparasyon para sa laban nila ni Jeff Horn.
“Hindi tayo kulang sa preparasyon, talagang matibay lang si Jeff Horn. ‘Yun ang panlaban niya, ‘yung tibay niya.
Hindi naman siya masyadong magaling, matibay lang talaga. Sa totoo lang, eh, ginawa ko naman ang lahat ng aking makakaya, hindi naman ako napagod hanggang twelve rounds,” banggit ni Pacman.
May mga nagsasabing marumi raw maglaro ang kalaban ni Manny, pero ayaw nang patulan ni Manny ang bagay na ito.
“Para sa akin, walang problena sa style niya. Kung marumi siyang maglaro, may mga referee naman, di ba? Para sa aming mga fighter, walang problema kahit marumi ang kalaban mo basta ‘yung referee, marunong siya at alam niya ang kanyang ginagawa,” sey pa ng tinalo ng Australian na si Jeff Horn.