Ni: Mary Ann Santiago
Isa na namang lalaki na kabilang sa drug watch list ang ibinulagta ng riding-in-tandem sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula ang biktima na si Timothy John Alvarez, 31, binata, ng 11-J ROTC Street, Barangay Rosario.
Mabilis namang tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa imbestigasyon ni officer-in-case SPO1 Eduardo Pablo, ng Pasig City Police, naganap ang pamamaril sa tapat mismo ng bahay ng biktima, dakong 8:53 ng gabi.
Nakatayo at nagpapahangin si Alvarez nang hintuan ng mga suspek at pinaulanan ng bala.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot nang buhay.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.