Ni Fer Taboy
Inihayag kahapon ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kumpiyansa siyang kakatigan ng Supreme Court (SC) ang naging basehan ni Pangulong Duterte sa pagdedeklara ng martial law sa Mindanao.
Umaasa na maglalabas ng ruling ang Korte Suprema bukas, Hulyo 5, matapos ang serye ng oral arguments hinggil sa petisyong ipalawang-bisa ang Martial Law.
Ayon kay Lorenzana, siya mismo ang nagbigay ng briefing sa mga mahistrado at tiwala siyang naiharap ang factual basis ng deklarasyon.
Sinabi pa ni Lorenzana na inaasahan niyang bukas ay idedeklara ng kataas-taasang hukuman na legal ang deklarasyon at sapat ang kanilang argumento.
Una nang iginiit ng mga petitioner, sa pangunguna ni Cong. Edcel Lagman, na hindi kailangan ang batas militar dahil wala aniyang malinaw na elemento ng rebelyon sa pag-atake ng Maute sa Marawi City, Lanao del Sur nitong Mayo 23.