Ni: Aaron B. Recuenco

Aabot sa 84 na pulis ang nakatakdang sibakin sa Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkakasangkot sa iba’t ibang kaso na karamihan ay may kinalaman sa ilegal na droga, kabilang na rito ang dalawang opisyal na naaktuhan sa pot session at ang tumulong sa Abu Sayyaf sa Bohol.

Ayon kay Director General Ronald dela Rosa, hepe ng PNP chief, ang nakatakdang pagsibak sa 84 pang pulis ay patunay na seryoso ang PNP na linisin ang hanay ng pulisya mula sa scalawags.

“This is a proof that we are serious in what we are doing. More will come because as I have said, we are implanting a no-mercy policy on illegal activities involving policemen,” sambit ni Dela Rosa.

Eleksyon

Kabataan Party-list, itutulak pagpapatalsik kay VP Sara

Aniya, kabilang sa mga nakatakdang sibakin ay si Supt. Maria Christina Nobleza na namataan sa checkpoint sa Clarin, Bohol nitong Abril habang sinusubukang tulungan ang mga naipit at sugatang Abu Sayyaf.

“I will sign it today,” ani Dela Rosa na ang tinutukoy ay ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service sa administrative case na isinampa laban kay Nobleza.

Kabilang din sa sisibakin si Supt. Lito Cabamongan na naaktuhan sa pot session, kasama ang isang babae, sa Las Piñas City, tatlong buwan na ang nakalilipas.

Kamakailan lamang, sinabi ni Dela Rosa na aabot na sa 160 pulis ang sinibak sa serbisyo simula nang siya ay maupo, karamihan sa kanila ay nahaharap sa drugs charges.

“I will give you the assurance na hanggang d’yan si Presidente, five years [ang termino niya], ‘yang mga natanggal na ‘yan, wala nang ma-reinstate. Even if I am already retired, I will ask the President not to reinstate them,” pahayag ni Dela Rosa na magreretiro sa Enero sa susunod na taon.