Ni: Orly L. Barcala
Habang isinusulat ang balitang ito, nasa kritikal na kondisyon ang isang binatilyo matapos gulpihin at tagain ng walong teenager sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang nakaratay sa ospital si Rodel Manlapaz, 16, ng Damata Street, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod, dahil sa mga hiwa at pasa sa katawan.
Sa ulat nina PO2 Diana Palmones at PO1 Glorimil Roi ng Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), nakatambay sa gas station sa C-4 Road ang biktima, kasama ang dalawa niyang kaibigan na sina Nelson, 15, at Paulo, 17, dakong 4:00 ng madaling araw.
Lumapit ang mga suspek at sinita si Manlapaz at kanyang mga kaibigan saka tinanong kung bakit nakatambay ang mga ito sa gasolinahan.
Napilitang umalis ang magkakaibigan at nagkanya-kanya sa pag-uwi dahil sa takot sa mga suspek.
Lingid kay Manlapaz, sinundan siya ng mga suspek hanggang sa siya ay pinagtulungang gulpihin at pinagtataga.
Inaalam na ang pagkakakilanlan ng mga suspek.