Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon

Aabot sa P300,000 halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa magkasintahan sa entrapment operation ng Quezon City police sa isang condominium, nitong Miyerkules ng gabi.

Inaresto ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Quezon City Police District ang mag-live-in partner na sina Roberto Bernales, alyas JR, 38, at Sarah Jane Malate, 26, ng Old Balara, Barangay Tandang Sora, sa buy-bust operation sa isang condominium unit sa Panay Avenue, Barangay South Triangle, dakong 9:45 ng gabi.

Nakuha sa kanila ang pitong pakete ng umano’y shabu, na may bigat na 60 grams, na tinatayang nagkakahalaga ng P300,000. Nakumpiska rin ang isang revolver, iba’t ibang klase ng bala, isang cell phone at mga drug paraphernalia.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Sinabi ng awtoridad na iniabot ng mga suspek sa poseur-buyers ang isang pakete ng umano’y shabu kapalit ng P1,000.

Inaresto ang magkasintahan matapos tanggapin ang pera.

Ayon kay DDEU head Chief Insp. Ferdinand Mendoza, inaresto na si Bernales noong 2014 dahil din sa ilegal na droga ngunit pinalaya noong nakaraang taon. Sinabi niya na nakatanggap sila ng impormasyon na nagpatuloy ito sa pagtutulak ng droga sa lungsod.

Ayon pa kay Mendoza, kumukuha ito ng supply mula sa isang Chinese na nakakulong sa Metro Manila District Jail sa Taguig City.

Samantala, ang live-in partner nitong si Malate ay dating call center agent na umaming gumagamit ng droga nang makilala si Bernales noong 2016.

Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa QCPD headquarters sa Camp Karingal at nakatakdang kasuhan ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.