Ni: Mary Ann Santiago
Hindi lubos maisip ng isang tindera na magagawa siyang saksakin ng kanyang kinakasama matapos niya itong sunduin at pauwiin mula sa inuman sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Isinugod sa Mary Johnston Hospital si Maritess Sabado, 45, ng 335 A. Mata Street, Tondo, matapos saksakin sa kanang siko ni Reynald Del Carmen, 41, vendor.
Sa ulat ni Police Supt. Ruben Ramos, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, kay MPD Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel, naganap ang insidente sa A. Mata St., kung saan nakipag-inuman ang suspek sa kanyang mga kaibigan, bandang 4:15 ng hapon.
Una rito, nilapitan umano ni Sabado si Del Carmen at sinabihang tumigil na sa pag-inom dahil magtitinda pa sila.
Tila napahiya sa kanyang mga kainuman, nagalit ang suspek at nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng patalim si Del Carmen at sinaksak ang biktima.
Nang matauhan, mabilis na tumakas ang suspek habang isinugod naman sa nabanggit na ospital ang biktima.
Nagsasagawa na ng follow-up operation laban sa suspek.