Ni: Martin A. Sadongdong at Bella Gamotea
Pinagbabaril hanggang mamatay ang isang 28-anyos na lalaki, na pansamantalang pumarada sa tabi ng kalsada para sumagot ng telepono, sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si Edison Ken Dampa, money carrier ng isang bangko, matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa katawan, ayon kay Superintendent Jenny Tecson, hepe ng Southern Police District-Public Information Office.
Sa report ng Makati City Police, dakong 11:10 ng gabi, binabaybay ni Dampa, sakay sa kanyang motorsiklo, ang kahabaan ng Chino Roces Avenue nang makatanggap ng tawag.
Dahil dito, ayon sa awtoridad, pumarada si Dampa sa gilid ng kalsada upang sagutin ang kanyang telepono ngunit sumulpot ang armado mula sa kanyang likuran at siya ay pinagbabaril.
Sumakay sa taxi ang suspek matapos patayin si Dampa.
Hindi binanggit ng awtoridad kung sino ang tumatawag kay Dampa noong oras na iyon ngunit sinabing nagsasagawa na ng follow-up investigation.
Inaalam na rin kung saan dinala ng taxi driver ang tumakas na suspek.
Napag-alaman nabago ang insidente, galing si Dampa sa bahay ng kanyang nobya sa Parañaque City.