Ni: Francis Wakefield, Ali Macabalang at Fer Taboy
Ibinulgar kahapon ng isang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginagamit na ngayon ng Maute Group ang mga bihag nito bilang mga mandirigma.
Sa isang press briefing, sinabi ni AFP-Public Affairs Office chief Marine Colonel Edgard Arevalo na batay sa natanggap nilang impormasyon mula sa lugar ng bakbakan, desperado na umano ang mga terorista kaya ginagamit na ng mga ito ang mga bihag—tinatayang nasa mahigit 100 pa—upang labanan ang mga tropa ng gobyerno.
“What is more compelling or telling right now was that the report that civilians who were held hostage or under the control of the Maute ISIS Group are now being used as combatants,” sabi ni Arevalo. “They were being asked to man battle positions. They were being task to take up arms and shoot our soldiers. There were also reports that they were being asked to carry ammunitions and ordance by these members of the Maute ISIS Group.”
BUHAY PA SI FR. SUGANOB
Sinabi rin ni Arevalo na tinatayang nasa 150-200 pa ang bihag ng Maute sa Marawi, habang nasa 100-120 na lamang ang mga terorista.
Kinumpirma naman ng militar na buhay pa si Fr. Chito Suganob at mga kasamahan nito na unang dinukot ng mga Maute makaraang silaban ang isang simbahan sa siyudad noong Mayo 23.
MAUTE NAGPAPATAYAN NA
Ayon pa kay Arevalo, batay sa kuwento ng mga sibilyang na-rescue mula sa Maute, nag-aaway-away na umano ang mga terorista, partikular sa usapin ng pera, habang pinapatay na rin umano ang mga miyembro ng Maute na ayaw nang makipagbakbakan at pinapatay umano ang mga nagtatangkang tumakas sa grupo.
“There were (also) some members of the Maute Isis Group who already have to surrender and desert their positions but according to reports they were executed by members of the Maute who do not want their members to surrender,” ani Arevalo.
HAPILON NANG-IWAN SA ERE?
Dagdag pa ni Arevalo, nabanggit din sa militar ng mga na-rescue na sibilyan na inabandona na ni Isnilon Hapilon, ang umano’y tumatayong emir ng Islamic State sa Timog-Silangang Asya, ang grupo ng Maute, bagamat kinukumpirma pa ito.
“(But) is is still subject to validation process. But we have received that information that Isnilon Hapilon has already deserted his companions,” ani Arevalo. “We are validating that information if he has indeed left. But if he has indeed left the Armed Forces will continue to track him and run after him.”
Naniniwala naman ang AFP na buhay pa ang magkapatid na Abdullah at Maddie Maute.
Bahagi ng mga impormasyong isiniwalat ng AFP ay mula sa siyam na Kristiyanong na-rescue sa kasagsagan ng walong-oras na humanitarian pause para sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr nitong Linggo.
6 NA-RESCUE
Bukod sa anim na sibilyang nailigtas, na kinabibilangan ng isang dalawang taong gulang na bata, narekober din ng rescue team ang bangkay ng 72-anyos na si Hassan B. Ali.
Kabilang din sa na-rescue ang isang babaeng kapapanganak lang dalawang linggo na ang nakalipas ngunit sinabing pumanaw na ang sanggol niyang lalaki dahil sa kawalan ng makakain.
Makikita sa video na isinapubliko ng AFP ang mga nailigtas na residente na nanghihina, tuliro at nakabalatay sa mukha ang takot.