NI: Mary Ann Santiago

Isang tama ng saksak sa tiyan ang natamo ng isang babae mula sa kanyang pinagkakautangan nang magkrus ang kanilang landas sa harap ng isang mall sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Sugatan at ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center si Racquel Alvarez, 21, ng 213 Abad Santos Street, Antipolo, sa Tondo habang nakatakas naman ang suspek na kinilala alyas na Urak, tinatayang nasa edad 25, 5’3” ang taas, balingkinitan, at residente rin sa nasabing lugar.

Sa ulat ni PO3 Jay-Ar Mercado na isinumite sa tanggapan ni Police Supt. Santiago Pascual III, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 2, naganap ang pananaksak sa Claro M. Recto Avenue, sa harap ng Tutuban Centermall, dakong 6:00 ng gabi.

Eleksyon

SP Chiz matapos ang eleksyon: 'Oras na para isantabi ang pulitika!'

Ayon sa biktima, naglalakad siya sa lugar, kasama ang kanyang pinsan, nang makasalubong at kumprontahin ng suspek hinggil sa hindi batid na halaga ng pera na inutang niya.

Nagalit umano si Urak nang malaman na hindi pa rin mababayaran ni Alvarez ang kanyang utang at bumunot ng icepick at sinaksak ang huli bago mabilis na tumakas.