Ni: Rommel P. Tabbad at Czarina Nicole O. Ong
Pinatawan ng Sandiganbayan First Division ng 12 hanggang 20 taong pagkakakulong si dating Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio sa dalawang bilang ng graft dahil sa umano’y maanomalyang pag-arkila ng mga sasakyan noong 2007 at 2009.
Magdiriwang ng ika-82 kaarawan sa susunod na buwan, hinatulang makulong si Sabio nang 12-20 taon at hindi na kailanman maaaring maglingkod sa pamahalaan sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA 3019).
Una nang kinasuhan si Sabio ng dalawang bilang ng graft kasama sina Commissioners Ricardo M. Abcede, Tereso L. Javier, Narciso S. Nario at Nicasio A. Conti sa pagpapahintulot na umarkila ng sasakyan ang PCGG na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso nang hindi nagsasagawa ng public bidding.
Ang mga sasakyan—tatlong Hyundai Starex van, isang Toyota Altis 2.0 sedan, at isang Toyota Innova 2.0 van—ay nirentahan sa United Coconut Planters Bank-Leasing and Finance Corp. sa loob ng 36 na buwan simula noong 2007.
Dahil sa kontrata, nagbayad ang PCGG sa bangko ng P153,821 kada buwan, o may kabuuang P5.39 million. Ang sumunod na kontrata noong 2009, na nagkakahalaga ng P6.73 milyon, ay tungkol naman sa inarkilang apat na Toyota Innova, isang Toyota Fortuner at isang Nissan Frontier Navarra.
Tanging si Sabio ang nasentensiyahan sa kaso makaraang mibasura ang mga kasong graft laban sa mga kapwa niya akusado dahil sa paglabag sa karapatan sa mabilis na disposisyon sa kaso. Pumanaw naman si Abcede.