Ni: Reggee Bonoan
NAPANOOD sa Ikaw Lang Ang Iibigin kahapon ang pagkompronta ni Carlos (Jake Cuenca) kay Bianca (Kim Chiu) na boyfriend na si Gabriel (Gerald Anderson) gayong may verbal agreement silang bawal na bawal ang magkaroon ng karelasyon kapag nagti-training.
Pero ipinagtanggol ni Roman (Michael de Mesa) si Bianca at sinabing hindi ipinagbabawal sa kontrata ng dalaga ang pagkakaroon ng boyfriend at kung igigiit ni Carlos ang verbal agreement nila ay kailangang patunayan ito ng binata sa korte.
Bukod dito, ang kinikilalang ama ni Carlos na ang namamahala sa Tigershark at sinabing mas magiging effective na endorser sina Gabriel at Bianca kapag nalamang magkasintahan ang dalawa.
Sa kabilang banda, pinaimbestigahan at nalaman na ni Roman ang tunay na pagkatao ni Rigor (Daniel Fernando) pati na ang panliligaw nito sa asawa niyang si Victoria (Ayen Munji-Laurel).
Ayaw na ayaw ng tunay na ama (Rigor) ni Carlos kay Bianca bilang karelasyon ng anak-anakang si Gabriel, kasi nga kilala nito ang pagkatao ng dalaga at higit sa lahat, binasted ang anak nila ni Victoria.
Mukhang malapit nang mabuking si Rigor dahil ang pitakang pag-aari ni Maila (Bing Loyzaga) na kinuha niya noong bugbugin niya at pinalabas na hold-up ay nasa nanay niyang si Lydia (Gina Pareño) sa pag-aakalang regalo dahil kaarawan nito.
Close sina Maila at Lydia kaya hindi malayong makita ng una ang pitaka niya.
At sa teaser ng show, nalaman na ni Carlos na tunay niyang ina si Victoria at alam na rin nito kung sino ang tunay na ama sa narinig niyang pakikipag-usap ng ina sa telepono.
Kaabang-abang ang Ikaw Lang Ang Iibigin dahil sa mga sekretong isa-isa nang nabubunyag.
Ang ILAI ay handog ng Dreamscape Entertainment mula direksiyon ni Dan Villegas.