Ni: Nelson Andrade
Nangako ang management ng trucking firm na nagmamay-ari ng truck na sumagasa at pumatay sa anim na katao at ikinasugat ng 18 iba pa sa aksidente sa Taytay, Rizal kamakailan, na sasagutin ang gastusin ng mga biktima, lima sa mga biktima ay nananatiling nasa ospital hanggang kahapon.
Ayon kay Supt. Samuel Delorino, hepe ng Taytay police, sa 18 sugatan, lima ang nananatiling nasa ospital at dalawa sa mga ito ay naka-under observation hanggang kahapon.
Sinabi ni Taytay Mayor Joric Gacula na tumutulong ang local government, sa pamamagitan ng social welfare office, sa mga biktima ng aksidente sa hindi pagsingil ng bayarin sa ospital na ginamot sa Taytay Emergency Hospital.
Sinabi rin ng local government official na sa pamamagitan ng local government, libre na ang pagpapalibing sa anim na biktima habang pinaplano na rin ng municipal government na pagkalooban ng tulong pinansiyal ang pamilya ng mga biktima.