Ni: Jeffrey G. Damicog

Inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking nagsasabing may koneksiyon siya kay Pangulong Rodrigo Duterte, matapos niyang hingan ng P14.5 milyon ang pinakabago niyang biktima.

Kinilala ni NBI spokesperson Ferdinand Lavin ang suspek na si Lino Espinosa Lim, Jr. na mula sa Uson, Masbate kung saan siya tumakbo bilang alkalde ngunit siya ay natalo.

Sinabi ni Lavin na inaresto si Espinosa ng NBI Special Action Unit (SAU) sa isang coffee shop sa Quezon City nitong Biyernes.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Naging matagumpay ang pagkakaaresto sa suspek sa pamamagitan ng arrest warrants na inisyu ng Mandaluyong at Parañaque regional trial courts kung saan nahaharap siya sa kasong estafa.

Ayon kay Lavin, nagpapakilala si Espinosa na may koneksiyon kina Duterte, Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, at abogadong si Fred Lim ng Philippine Gaming Corporationn (PAGCOR).

Nakumbinse ni Espinosa ang pinakabago niyang biktima na mag-invest sa government projects at kumita ng malalaking interest.