Ni: Ric Valmonte
Ayon sa Saligang Batas, kapag may maselang karamdaman ang pangulo, karapatan ng publiko na ipabatid sa kanila ang kalagayan ng kalusugan nito. Naging paksa na naman ang probisyong ito dahil sa kasalukuyang nangyayari kay Pangulong Rodrigo Duterte. May ilang araw na kasi siyang wala sa paningin ng publiko. Huli siyang nakita sa Villamor Air Base at Marines Headquaters sa Fort Bonifacio noong Linggo ng gabi, nang siya ay makiramay sa mga pamilya ng mga nasawing Marines sa bakbakan sa Marawi. Hindi na siya sumipot noong Lunes ng umaga sa Luneta sa pagdiriwang ng Araw ng Kasarinilan. Si VP Leni Robredo ang namuno sa pagdiriwang dahil pagod at masama umano ang pakiramdam ng Pangulo.
Nais ngayon ng mga kritiko ng Pangulo, partikular ng minorya sa Kamara, na ipaliwanag niya ang hindi niya pagsipot sa mga publikong pagdiriwang. “Ang hindi pagpapakita ng Pangulo sa publiko,” wika ni Magdalo Rep. Gary Alejano, “ay hindi pangkaraniwan lalo na’t nagpapatuloy ang krisis sa Marawi.“ Lalo na, aniya, ang hindi niya pagpapakita sa loob ng isang lingo ng walang paliwanag maliban sa siya ay may sakit. Dapat daw ay maging tapat ang Malacañang sa paglalahad ng tunay na kalagayan ng Pangulo dahil ito ay may kaugnayan sa pambansang seguridad.
“Walang dapat ipangamba ukol sa sakit o grabeng sakit ng Pangulo,” sagot ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella.
Nagpapahinga lang daw ang Pangulo dahil ito ay napagod. Pero, kung kailan babalik ang Pangulo sa tungkulin, hindi niya masabi.
Totoo na may kinalaman sa seguridad ng bansa ang kalusugan ng Pangulo. Nawala pa naman siya sa paningin ng mamamayan sa panahon na kailangan siyang makita. Magulo ang sitwasyon ngayon. Sa pagpapairal ng kanyang kampanya laban sa droga, walang tigil ang patayan. Ang problema, ang ibang patayan ay wala nang kinalaman sa droga. Hold up, pagdukot, murder at iba pang krimen ang nangyayari ngayon. Nagaganap ang mga ito habang nagkakagulo ang mga mamamayan sa Marawi. Wala nang ligtas na silungan ang mamamayan doon. Sinisira ng mga bombang ibinabagsak ng mga eroplano. Dahil dito, may mga grupo nang dumulog sa Korte Suprema para ipatigil ang airstrike.
Sa gulong nangyayari sa Marawi, naihanda na ang militar sa labanan. Eh, sinabi ng Pangulo na ipinauubaya niya dito ang pagpapairal ng martial law. Hindi nga raw niya alam na humingi ito ng tulong sa mga sundalong Kano kaya kasama na nila ang mga ito sa pakikipaglaban sa grupo ng Maute, bagamat limitado ang tulong sa teknikal. Kailangan ang presensiya ng Pangulo para mapanatag ang mamamayan na ang lahat ng nagaganap sa bansa ay kontrolado pa rin ng gobyerno.