Ni: ARIS R. ILAGAN

SARI-SARI ang naging reaksiyon ng mga commuter sa paglulunsad ng MRT administration ng libreng Wi-Fi connection service sa mga istasyon ng tren nito.

Mayroong natuwa, mayroong naasar.

Ganyan talaga sa isang bansang umiiral ang demokrasya. Malaya mong maihahayag ang iyong saloobin ano mang oras, saan ka man naroroon.

National

'Pekeng' doktor na tumuli sa namatay na 10-anyos, dati na raw nabilanggo

Maging ang media networks ay nag-uunahan sa pag-uulat sa publiko sa bagong serbisyo ng MRT para sa mga biyahero.

Kaliwa’t kanan ang interview sa mga pasahero sa kanilang reaksiyon sa Wi-Fi service ng MRT.

Mayroon pang gumimik sa pagsukat ng Wi-Fi signal sa mga istasyon ng MRT upang matukoy kung tunay ngang malakas ito…o palpak tulad ng mga tren nito na halos araw-araw ay tumitirik.

Subalit maski saang anggulo ninyo tingnan ang balitang ito, maituturing talaga itong isang “welcome development”.

Alam nating lahat na napakahalaga ng internet connectivity ngayon para sa mamamayan. Ang paggamit ng Internet ay wala nang pinipiling antas sa buhay. Hindi lamang ang mga tinaguriang alta sociedad ang gumagamit nito, kundi maging ang mga ordinaryong tao — driver ng bus, mekaniko, guro, helper, kasambahay at iba pa. Ang Internet ay bahagi na ng ating buhay sa araw-araw.

Bukod sa mainam na pinagkukuhanan ng balita at impormasyon, mainam ding pampalipas oras ang Internet. Para iwas buryong at mag-init ang ulo sa paghihintay o pagkakaipit sa siksikan sa tren, browse lang sa social media o mag-Spotify kaya.

Subalit saludo ako sa MRT. Alam natin na batid nila na ang unang bumabatikos sa kanilang palpak na serbisyo ay mga netizen na halos oras-oras ay nakatutok sa social media.

Dito, mabilis na naipapaskil ang tungkol sa mala-ahas sa haba na pila ng pasahero sa MRT station, mga tumitirik na tren, hindi sumasarang pintuan ng bagon nito, at mga hindi gumaganang escalator at elevator sa mga terminal.

Kumbaga, sa kanila rin ang latay sa pagbibigay ng libreng Wi-Fi service.

Kung ating iisiping mabuti, mas minabuti na ng MRT na harapin ang mga batikos ng netizen sa halip na tumiklop na lang at hindi na mag-isip ng bagong innovation upang mapasaya ang kanilang mga pasahero.

Ang pagbibigay ng libreng Wi-Fi service ay patunay lamang na pursigido ang pangasiwaan ng MRT na iangat ang antas ng kanilang panunungkulan sa bayan habang hilong-talilong sila sa paghahanap ng solusyon sa madalas na pagtirik ng mga tren.

Walang iwanan, walang atrasan.

Sana’y mayroon pa silang maisip na mga bagong hakbangin tulad nito.

Sa MRT management: ‘Wag na ‘wag kayong susuko!