Nanggaling ba kayo sa Marawi City para timbangin kung rebelyon o terorismo ang nangyayari roon?
Ito ang tanong ng isang mahistrado ng Supreme Court sa mga naghain ng petisyon laban sa Proclamation No. 216 at pagsuspinde ng writ of habeas corpus sa loob ng 60 araw sa Mindanao, sa pagsisimula ng tatlong araw na oral argument ng SC.
Iginiit ni Albay Representative Edcel Lagman, petitioner sa kaso, na magkaiba ang terorismo at rebelyon, at walang sapat na batayan ang paglabas ni Pangulong Rodrigo Duterte sa PD No. 216 o Martial Law.
Ayon kay Lagman, ang nangyayaring gulo sa Marawi City “are not necessarily equivalent to actual rebellion and the consequent requirement of securing public safety” upang bigyang katuwiran ang deklarasyon ng Martial Law.
Sinabi ni Lagman na mismong si Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang nagsabi na ang “acts of terrorism” ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng rebelyon.
Ang layunin aniya ng rebelyon, sa ilalim ng Article 134 ng Revised Penal Code, ay alisin ang katapatan sa Republika ng buong bansa o bahagi ng Pilipinas o mapigilan ang Presidente o Lehislatura sa pagganap ng kanilang kapangyarihan at tungkulin.
Sinabi ni Lagman na ang layunin ng armadong pakikidigma ng Maute Group ay para protektahan at hindi madakip ng mga awtoridad si Isnilon Hapilon at hindi naman para ihiwalay ang Marawi sa Republika.
“There is no sufficient factual basis” sa deklarasyon ng Martial Law noong Mayo 23 “and many of the facts presented are false, inaccurate, and contrived,” diin niya.
Tinanong ni SC Associate Justice Mariano del Castillo si Lagman kung siya ba ay nangggaling na sa Marawi City para sabihin na walang nagaganap na rebelyon doon at para kontrahin ang paniniwala ng Pangulo na may sapat na batayan para ideklara ang batas militar sa Mindanao.
Inamin ni Lagman na hindi pa siya nakakapunta sa Marawi City simula nang sumiklab ang gulo roon. Pero giit ng mambabatas, hindi naman kailangang magtungo pa sa Marawi para tukuyin kung may sapat na batayan dahil ito ay maaari namang busisiin sa nilalaman ng PD 216 at ng isinumiteng ulat ng Pangulo sa Kongreso.
Tinanong din ni Del Castillo si Lagman kung ano ang kanilang pinangangambahan sa deklarasyon ng Martial Law dahil may sapat namang safeguard na inilatag sa 1987 Constitution para matiyak na hindi ito maaabuso.
Sagot ni Lagman, maling desisyon ang proklamasyon ng Martial Law at ang mga nagaganap sa Marawi ay hindi magbibigay ng ligal na katuwiran sa patuloy na pag-iral ng batas militar.
Samantala, iniutos ni Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno na ilagay sa half-staff ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng korte sa bansa hanggang sa Biyernes, Hunyo 16, bilang parangal sa mga sundalo, pulis at sibilyan na namatay sa Marawi City. (BETH CAMIA at REY PANALIGAN)