Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos umano nitong tangayin ang cell phone ng isang guwardiya sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa loob ng Sta. Mesa police station ipinagdiwang ng Sputnik gang member na si Jason Vitug, ng Sampaloc district, ang Independence Day, at ngayon ay nahaharap sa kasong theft.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente habang nakasakay ang biktima, si Marilou Amparo, at si Vitug sa jeep na biyaheng Cubao, dakong 8:45 ng gabi.
Pagspit sa Ramon Magsaysay Boulevard corner Santol Street, hinablot umano ni Vitug ang cell phone ni Amparo at tumalon mula sa jeep upang tumakas.
Nagsisigaw si Amparo na nakaagaw-pansin sa mga nagpapatrulyang barangay officials.
Matapos ang sandaling habulan, naaresto si Vitug at nabawi ang cell phone ni Amparo. (Analou De Vera)